Alam mo, ang weird ng tao. Siguro kung may bumisita sa atin na taga-ibang planeta, di nya maiisip na "intelligent" ang buhay na natagpuan niya.
Isipin mo nalang 'yung Rubik's Cube—isang maliit at makulay na kahon. Pag binili mo 'to (sa hindi murang halaga) eh may tig-iisang kulay lang sa bawat side neto. Kakalasin mo to, tapos susubukan mong buuin ulit. Ang labo lang.
Isa pa yung mga sports. Halimbawa, yung football. Ang lawak lawak ng field na pinaglalaruan nun. May dalawang magkalaban na koponan, at may iisang bola na pag-aagawan nila at susubukang ipasok sa isang net. Magpapakapagod sila sa loob ng 90 minutos para sa bola. Siguro iisipin ng alien, bakit di nalang sila bumili ng kanya-kanyang bola? Edi tapos ang gulo.
Pero ang pinaka-weird sa lahat ay ang Valentine's Day. Biruin mo: sa loob ng isang taon, ito ang nag-iisang araw na tila baga'y kasalanan ang hindi umibig. Mula Pebrero 15 hanggang Pebrero 13, okey lang kahit di ka pansinin ang jowa mo. Pero pagsikat ng araw sa ika-14 ng Pebrero—ang kalagitnaan ng buwang siyang pinakakapos sa petsa—kung wala siyang dala-dalang rosas at tsokolate, nako, lagot siya sayo.
Ano nga ba ang meron sa Valentine's Day kung tawagin? Bakit nga ba tayo biglang nagiging romantic pagsapit nito? Ayon sa iba, ito ay araw ng kapistahan ng isang santo ng Iglesia Katolika, si Saint Valentine. Ito raw si San Valentino ay ikinulong dahil sa salang pagkakasal sa mga sundalo na bawal magpakasal. Kumbaga, Soldier of Love. Char. Kaya siguro naugnay ang kapistahan niya sa pagmamahalan. (Kaya nga rin pala ako hindi nakiki-valentines—kasi nga pista ito ng isang santong Katoliko.)
Pero wag naman tayong maglokohan. Di tayo nag-iibigan pag February 14 dahil sa isang paring namatay ilang siglo na ang makalipas. Kung may nagpipista man ngayon, hindi tayo, kundi ang mga may-ari ng Hallmark, mga sinehan, mga mamahaling kainan na may pretentious na pangalan, at ang mga tsipipay na hotel. Ang Valentine's Day ay ginawang araw ng pag-ibig di dahil sa kung anu-anong pa-deep na kadahilanan, kundi dahil, wala lang, gusto lang nila.
Pero alam naman natin yun eh. Yun nga ang nakapagtataka—kahit alam na natin na pilit lang ang kabuluhan ng February 14, kinakarir pa rin natin ito. Ubusan pa rin ng kapal ng mukha sa panghaharana sa classroom. Ubusan pa rin ng allowance sa pagbili ng tsokolate at lubhang overpriced na rosas. At ubusan pa rin ng dangal sa pag-aaya ng date sa kung sinu-sino, wag lang masabing wala kang ka-date ngayong Valentines.
At dahil kinulong ang pag-ibig sa loob ng 24 oras, bukas, babalik na naman sa dati. Mag-eevaporate din ang mushy feeling na yan. Kitakits nalang ulit next year. Ang abnormal, diba?
Kung tutuusin, ito nga naman kasi ang silbi ng kultura sa isang lipunan gaya ng sa atin. Pinagmumukha nitong normal ang hindi normal, at tinatago sa maskara ng katotohanan ang mga bagay na kataka-taka.
Kaya ikaw, kung ang hawak mo man ngayon ay Rubik's Cube o Toblerone, eto lang ang masasabi ko sayo. Una, mukha kang tanga. At pangalawa, ipagtuloy mo lang yan. Ganyan talaga ang tao—katawa-tawa.
Touchè.
ReplyDelete